“Maraming Wika, Matatag na Bansa!”
Angeline M. Baldo
Paano nga ba magiging matatag ang isang bansa na nagtataglay ng mahigit sa isang daang wika?
Ang basehan ng temang Maraming Wika, Matatag na Bansa ay ang pagiging multilinggwal ng mga Pilipino at pagkakaroon ng iba’t ibang kultura sa bansa. Lingid sa kaalaman ng nakararaming Pilipino isang bentahe ang pagkakaroon natin ng isangdaan pitongput isang linggwahe o mas kilala sa turing na dialekto.
Isa sa napakagandang halimbawa ng pagiging multilinggwal ay si Gat Jose Rizal tinuring at inihalintulad nya ang wika bilang isa sa mga sandata upang paunlarin ang kanyang sarili. Napunta sya sa iba’t ibang lugar ngunit nanatiling marunong sa pakikipag-ugnayan sa mga tao.
Ganunpaman, mayroon tayong wikang pambansa at wika ng Katagalugan. Ang “Wikang Filipino” ay tinuturing na wika ng bansang Pilipinas, samantalang ang “Wikang Tagalog” ay ang wika ng Katagalugan. Kung sa pag-uusap ng dalawang Pilipino ay gumamit ang isa ng wikang Filipino at ang isa ay wikang Tagalog. Magkakaunawaan sila sapagkat hindi nalalayo sa batayang pang-gramatika ang dalawang wika. Masasabi natin na bagamat sa ilang salita ay hindi ito magkakaisa taglay pa rin nito ang pagkakaroon ng mutual intelligibility o pagkaunawa bagamat magkaiba ang wika.
Alam natin na mayroon tayong mga wikang panrehiyon, mga wika na hindi alam ng mga tao sa magkakaibang lugar. Ang pangkaraniwang Pilipino ay may alam na dalawa o higit pang wika. Ngunit makasasapat ba ang taglay na wika upang magkaroon ng ugnayan? Ang wikang Tagalog, Kapampangan, Ilonggo, Sebwano, Ilokano ay ilan lamang sa mga higit na nagagamit na wika ng mga Pilipino. Sa ganitong katotohanan totoong nagkakaunawaan pa rin ang bawat tao bagamat maraming wika ang taglay nito. Sa pang-ekonomikong kalagayan, hindi ba’t tayo ay nangangailangan ng tulong galing sa iba’t ibang rehiyon ng bansa? May taglay mang marami at iba’t ibang wika, nagkakaroon pa rin ng pagkakaunawaan dahil sa iisang layunin.
Hindi kailanman maituturing na hadlang ang mga wikang ito upang hindi makamit ang pagiging matatag na bansa. Katunayan nito ang pagkakaroon natin ng dalawang opisyal na wika, ang Wikang Filipino at Ingles! Ngunit hindi pa rin isinasantabi ang mga wikang panrehiyon na matatawag na sariling atin. Sa kabilang panig dapat nating paunladin ang bawat wika sa ating bansa upang magkaroon ng higit na pagkakaunawaan ang bawat isa. Ang wikang Ingles ay isang dayuhang wika at tinitingnan bilang isang balakid sa pagkakaroon ng isang sentralisadong bansa na may iisang wika, ngunit kung ating titingnan ang kaisipang ito ay unti-unti ng nababago sapagkat nanalig ako na habang pinagyayaman ang ating sariling wika ay dapat ding pagyamanin ang bawat wikang umiiral sa ating bansa. Hindi ibig sabihin nito ay dapat kalimutan ang wikang kinagisnan at sariling atin.
Maari nating marating ang higit na pag-unlad at pagiging matatag na bansa sa pamamagitan ng kaalaman natin sa maraming wika ngunit hindi ito nangangahulugan ng pagtalikod sa ating wikang pambansa. Dahil may responsibilidad tayo sa wikang taglay natin at dapat nating alalahanin ang mga katagang “Ang hindi lumingon sa kanyang pinanggalingan ay hindi makakarating sa kanyang patutunguhan.” sa wikang Ingles, “He who does not look back at his birthplace will not reach his future.” sa wikang Cebuano, “Kadtong dili molingi sa gigikanan, dili makaabot sa gipadulongan.” sa wikang Hiligaynon, “Kno sin-o ang hindi makihibalo magbalikid sang iya ginta-uhan, indi makaabot sa iya padulungan.” sa wikang Kapampangan “Ing e byasang malikid king kayang ibatan, e ya makaratang king kayang pupuntan.” at sa wikang Ilokano “Ti saan a tumaliaw iti naggappuana, saan makadon iti papanama.”
Marami mang wika ang ating bansa mas higit tayong pagbubukludin at pag-iisahin nito tungo sa pagkakaroon ng matatag na bansa! Nais ko sanang gamitin ang katagang ito sa aking pagwawakas, isang American Indian ang nagsabi tungkol sa relasyon ng wika at ng buhay. Aniya, kailangan natin ang wikang dayuhan para sa kasalukuyang panahon. Ngunit kailangan natin ang sariling wika, para mabuhay nang habampanahon.
Magandang araw sa inyong lahat!